Nagbigay ng bahagyang ginhawa sa mga tsuper ang magkakasunod na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo, subalit umaasa ang sektor ng transportasyon na magtutuloy-tuloy pa ang pagbaba ng presyo ng diesel upang makabawi sa kanilang gastusin at kita habang papalapit ang Kapaskuhan.
Ayon kay Liberty De Luna, pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), malaking tulong na sa mga tsuper ang sunod-sunod na bawas-presyo ng langis dahil kahit paano ay nadaragdagan ang kanilang naiuuwing kita.
Gayunman, tinatayang nasa 50 porsiyento pa lamang ang nararamdamang ginhawa ng sektor at umaasa silang maibabalik sa dating antas na 45 hanggang 50 pesos ang presyo ng diesel.
Umaasa rin si De Luna na magtutuloy-tuloy ang pagbaba ng presyo ng petrolyo at matapos na ang nagpapatuloy na sigalot sa Middle East na nakaaapekto sa pandaigdigang presyo ng langis.
Samantala, sinabi niyang hindi gaanong naapektuhan ng idinaos na ASEAN Summit sa Metro Manila ang operasyon ng mga pampasaherong jeepney dahil nagpatuloy naman ang kanilang pamamasada.
Gayunman, aminado siyang bahagyang bumaba ang bilang ng mga pasahero dahil sa sunod-sunod na araw na walang pasok at mahabang weekend, dahilan upang lumiit din ang kanilang kinikita.
Bukod dito, nananawagan ang grupo sa pamahalaan na muling magkaloob ng mga food pack sa mga tsuper at operator ngayong Kapaskuhan upang makatulong sa kanilang pangangailangan at maihanda ang kanilang hapag-kainan sa pagdiriwang ng Pasko.










