Nanatiling nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ang mahigit 200 raliyistang inaresto sa isinagawang kilos-protesta sa Sucat, Muntinlupa City noong Nobyembre 15, habang nagpapatuloy ang mga pagkilos ng iba’t ibang sektor upang igiit ang kanilang agarang pagpapalaya.

Ayon kay Jesus Monasterial, Deputy Secretary General ng Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan, umabot sa 216 ang bilang ng mga adultong raliyistang nakakulong sa Camp Bagong Diwa, habang 20 menor de edad naman ang dinala sa Bahay Pag-asa.

Kabilang sa mga inaresto ang mga magsasaka, manggagawa, kabataan, estudyante at iba pang sektor na lumahok sa pagtitipon.

Tinatayang 33 sa mga nakadetine ang mula sa kanilang hanay, kabilang ang mga magsasaka at mga organisador.

Iniulat din ni Monasterial ang umano’y mga paglabag sa karapatan ng mga nakadetine, kabilang ang mga pinsala gaya ng injuries, kawalan ng maayos na bentilasyon at paghihigpit sa pagpasok ng mga gamot at iba pang pangangailangan.

--Ads--

Giit niya, lumampas na rin umano sa 18 oras ang pagkakadetine sa kanila nang walang pormal na kasong inihahain.

Dahil dito, nananawagan sila sa mga kinauukulan na agad ibasura ang mga kaso at palayain ang lahat ng inaresto.

Mayroon na ring mga volunteer lawyer mula sa National Union of People’s Lawyers at iba pang grupo na nagbibigay ng legal na tulong sa mga raliyista.

Samantala, nananatili sa labas ng kampo ang kanilang mga kaanak at kaibigan upang bantayan ang kalagayan ng mga nakakulong at suportahan ang kanilang panawagan.