Mas paiigtingin ng Police Regional Office 1 (PRO-1) ang kanilang Integrity Monitoring at Internal Cleansing Program upang linisin ang hanay ng kapulisan sa buong rehiyon at mapanatili ang tiwala ng publiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Major Cherry Tolentino, Chief ng Regional Public Information Office ng PRO-1, tiniyak nito na magpapatupad sila ng mas mahigpit na monitoring, intelligence gathering, lifestyle check, at imbestigasyon laban sa mga tauhang pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian o anumang ilegal na aktibidad, partikular na sa kalakalan ng ilegal na droga.

Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. at sa malinaw na standing order ng Regional Director ng PRO-1 na walang sinuman ang nakahihigit sa batas. Inatasan na rin ang lahat ng unit commanders na maging mapagmatyag sa kilos at asal ng kanilang mga nasasakupan at agad na aksyunan ang anumang impormasyon o reklamo nang walang ibinibigay na proteksyon.

--Ads--

Kasabay nito, kinumpirma ni Tolentino na may kaukulang kasong kriminal at administratibo nang isinampa laban sa isang pulis na nasangkot sa ilegal na gawain kamakailan, habang hinahayaang gumulong ang imbestigasyon para sa patas na proseso.

Mariing binigyang-diin ng opisyal na hindi kukunsintihin ng pamunuan ng PRO-1 ang sinumang miyembro na sumisira sa imahe ng organisasyon, anuman ang ranggo, posisyon, o katungkulan nito.

Nanawagan din ang PRO-1 sa mga mamamayan na makipagtulungan at agad na i-report sa mga awtoridad ang anumang masasaksihang paglabag o katiwalian na kinasasangkutan ng ilang miyembro ng kapulisan.