Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtitibay ng partnership ng ASEAN at Japan sa isinagawang 29th ASEAN-Japan Summit noong ika-17 ng Nobyembre 2026 sa Maynila, kasabay ng 49th ASEAN Summit and Related Summits, kung saan nagsilbi ang Pilipinas bilang co-chair ng pulong.

Sa pamumuno ni Pangulong Marcos Jr. ay binigyang-diin ng ASEAN ang kahalagahan ng tiwala sa pagitan ng mga gobyerno at ng matagal nang ugnayan ng mga mamamayan, habang papalapit ang paggunita sa susunod na taon ng ika-60 anibersaryo ng ASEAN at ika-50 taon ng Fukuda Doctrine na nananatiling gabay sa kapayapaan, kooperasyon at heart-to-heart trust.

Sa larangan ng enerhiya ay tinanggap ng ASEAN ang suporta ng Japan para sa energy security sa pamamagitan ng partnership sa Wide Energy and Resources Resilience Asia na kilala bilang POWER Asia at sa ASEAN Power Grid, habang sa usapin ng food security ay kinilala ang tulong ng Japan sa pamamagitan ng ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve at ng Midori Cooperation Plan na parehong nakatuon sa pagtiyak ng sapat at matatag na suplay ng pagkain para sa rehiyon.

--Ads--

Bilang Heart-to-Heart Partners across generations ay pinalalapit din ng dalawang panig ang kanilang mga mamamayan sa pamamagitan ng Japan-East Asia Network of Exchange for Students and Youth, ng Ship for Southeast Asian and Japanese Youth Program, ng WA Project 2.0 at ng Sakura Science Exchange Program na nagbibigay ng pagkakataon sa kabataan na magpalitan ng kaalaman, kultura at karanasan.

Tinanggap din ng ASEAN ang suporta ng Japan para sa ASEAN Centre for Public Health Emergencies and Emerging Diseases at sa ASEAN Coordinating Centre for Humanitarian Assistance on Disaster Management na tumutulong upang maging mas handa, mas ligtas at mas matatag ang rehiyon laban sa mga banta sa kalusugan at sa mga sakuna, kasabay ng pagpapatibay sa Comprehensive Strategic Partnership na itinaas noong 2023.