Dagupan City – Muling ipinakita ni Erlinda Sernando, residente ng Barangay Bolosan, Dagupan City, ang kanyang suporta sa adbokasiya ng boluntaryong pagdo-donate ng dugo sa pamamagitan ng pakikiisa sa Dugong Bombo ng Bombo Radio Philippines Foundation, Inc. na may temang A Little Pain, A Life to Gain.
Ayon kay Sernando, ilang taon na niyang isinusulong ang blood donation bilang personal na adbokasiya at itinuturing niyang pribilehiyo ang muling makapag-donate ng dugo sa kabila ng ilang hamong kinaharap bago makasali sa aktibidad.
Binigyang-diin niya na malaking tulong ang bawat donasyon upang madagdagan ang suplay ng dugo para sa mga pasyenteng nangangailangan ng transfusion, partikular na ang mga may cancer at sumasailalim sa dialysis.
Ibinahagi rin niya ang ilan sa mga positibong karanasan niya bilang regular na blood donor, kabilang ang pagiging mas mulat sa sariling kalusugan dahil sa kinakailangang regular na pagsusuri bago makapag-donate.
Dahil dito, hinikayat ni Sernando ang publiko, lalo na ang mga nasa mabuting kalusugan, na subukan ang boluntaryong pagdo-donate ng dugo upang makatulong sa pagliligtas ng buhay ng ibang tao.










