Anim na katao, kabilang ang isang surgeon at isang 13-anyos na lalaki, ang nasawi matapos tamaan ng Israeli airstrike ang Nasser Hospital sa Gaza.

Dalawang missile ang tumama sa gusali kung saan matatagpuan ang mga surgery ward ng ospital, dahilan upang pansamantalang hindi makapagbigay ng serbisyo ang surgery department na nagsisilbi sa halos kalahati ng dalawang milyong residente ng Gaza.

Ayon sa militar ng Israel, target ng operasyon ang isang senior commander ng Hamas na umano’y nagtatago sa loob ng ospital at ginagamit ang compound bilang himpilan sa pagpaplano ng mga pag-atake. Itinanggi naman ng Hamas ang naturang paratang.

Kaugnay nito, nanawagan ang Board of Peace ni U.S. President Donald Trump sa Israel at Hamas na igalang at sundin ang umiiral na kasunduan sa tigil-putukan.

Nagbabala rin ang World Health Organization o WHO na dapat tiyakin ang proteksyon ng mga pasilidad pangkalusugan at hindi dapat gamitin ang mga ito para sa mga operasyong militar.