Magpapatuloy hanggang Nobyembre 18 ang serye ng mga kilos-protesta ng iba’t ibang sektor laban sa Pax Silica Initiative at inaasahang pagdating ni United States President Donald Trump sa bansa para sa ASEAN Leaders’ Summit.
Ayon kay Gabriel Magtibay, National Chairperson ng League of Filipino Students (LFS), nagsilbing panimulang pagkilos ang isinagawang National Day of Walkout ng mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa bansa, kabilang ang University of the Philippines, St. Louis University sa Baguio City, Ateneo de Manila University at De La Salle University.
Sinabi ni Magtibay na matagumpay ang naturang pagkilos, bagama’t iniulat nila ang umano’y pananakot at panggigipit ng pulisya sa ilang raliyista, gayundin ang pagkakaaresto sa tatlong estudyante sa University of Makati. Aniya, nananatili silang nakahanda sa mga susunod na pagkilos hanggang sa pagdating at pag-alis ni Trump sa Nobyembre 18.
Bahagi rin ng kanilang kampanya ang Youth Against Pax Silica o YAPAX, na nag-uugnay sa iba’t ibang organisasyon ng kabataan at mga paaralan.
Katuwang din nila ang mga grupo ng manggagawa, magsasaka, kababaihan, katutubo at iba pang sektor na tumututol sa naturang inisyatiba.
Kinuwestiyon din ni Magtibay ang umano’y P22 bilyong pondong inilaan ng pamahalaan para sa ASEAN Summit, sa gitna ng mga suliraning pang-ekonomiya at kahirapang nararanasan ng maraming Pilipino.
Iginiit niyang dapat maipakita sa mga dayuhang bisita ang tunay na kalagayan ng mamamayan sa halip na pagtakpan ang mga suliranin sa pamamagitan ng mga paghahanda para sa summit.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pakikilahok ng mga katutubo at komunidad na posibleng direktang maapektuhan ng Pax Silica, dahil aniya, dapat silang maging bahagi ng mga desisyong may epekto sa kanilang kabuhayan at kinabukasan.










