Tinitignan ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang kahandaan ng pondo para sa mga kinakailangang emergency program sakaling lumala ang epekto ng El Niño.
Ayon kay vice governor Mark Ronald Lambino, kabilang dito ang mga line-item allocation sa badyet na maaaring ilipat o magamit ng gobernador, alinsunod sa umiiral na mga patakaran sa pagbabadyet, para sa agarang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong sektor.
Mayroon ding trust fund, lump-sum allocation at pondo para sa social services na maaaring mapagkunan ng suporta para sa mga programang pang-emergency.
Layunin ng mga hakbang na matiyak na may sapat na mapagkukunan ng tubig at nakahandang pondo ang lalawigan upang matugunan ang posibleng epekto ng El Niño, partikular sa mga komunidad na maaaring makaranas ng matinding kakulangan sa tubig.
Samantala, pinag-aaralan din ang iba’t ibang posibleng pagkukunan ng tubig bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niño, partikular ang posibleng kakapusan sa suplay ng tubig para sa publiko at komersyal na pangangailangan.
Kabilang sa mga tinitingnang hakbang ang pagsasagawa ng imbentaryo sa mga deep well o balon sa mga lokal na pamahalaan upang malaman kung alin sa mga ito ang maaari pang mapakinabangan at magamit sa panahon ng matinding tagtuyot.
Posible ring magsagawa ng mga kaukulang hakbang ang mga munisipalidad upang magkaroon ng karagdagang pagkukunan ng tubig para sa kanilang mga residente.
Pinag-aaralan din ng lalawigan ang posibilidad ng paggamit ng water filtration o pagsasala ng tubig at desalination o proseso ng pag-aalis ng asin sa tubig upang magkaroon ng alternatibong suplay ng malinis at ligtas na tubig.










