Hindi bababa sa 24 katao ang nasawi habang ilang iba pa ang isinugod sa ospital matapos magbanggaan ang isang container truck at bus sa isang highway sa Assam, northeastern India, nitong Biyernes, Nobyembre 13.

Ayon kay Swapnaneel Deka, hepe ng pulisya sa distrito ng Golaghat, posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi.

Patungo umano sa karatig na distrito ang bus na may sakay na tinatayang 30 pasahero. Sugatan din ang driver ng truck.

Naganap ang aksidente malapit sa Kaziranga National Park, isang UNESCO World Heritage Site na kilala bilang tirahan ng mga one-horned rhinoceros.

Samantala, nagpahayag ng pagdadalamhati si Assam Chief Minister Himanta Biswa Sarma at nagpadala ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan sa lugar upang pangasiwaan ang mga hakbang sa pagtugon at pagresponde sa mga biktima.

Tiniyak din nitong bibigyang-prayoridad ang agarang pagbibigay ng kinakailangang medikal na atensiyon sa mga sugatan.