Hindi naging madali para sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang pangangalap ng impormasyon at pagsubaybay sa isang aktibong pulis na naaresto sa isinagawang operasyon kontra ilegal na droga sa bayan ng Mapandan, Pangasinan.
Ayon kay PDEA Region 1 Director Julius M. Paderes, kinailangan nilang maging maingat sa kanilang intelligence activities at surveillance dahil bihasa rin sa operasyon at matagal nang kabilang sa kampanya kontra ilegal na droga ang kanilang target.
Hindi naman itinago ni Paderes ang kaniyang pagkadismaya dahil ang isang taong inaasahang nagpapatupad ng batas laban sa ilegal na droga ay siya pa umanong lumalabag dito.
Gayunman, binigyang-diin ng opisyal na hindi magiging hadlang ang pagiging kapwa nila alagad ng batas upang hindi ito panagutin. Aniya, walang sinasanto ang PDEA sa pagpapatupad ng batas, maging ang mismong mga kasamahan sa hanay ng mga tagapagpatupad nito.
Samantala, hindi isinasantabi ng PDEA ang posibilidad na may iba pang indibidwal na kasama sa ilegal na aktibidad, batay na rin sa dami ng hinihinalang ilegal na droga na nakumpiska sa operasyon.
Ayon kay Paderes, patuloy nilang sinusundan ang anggulong ito upang matukoy kung may mga kasabwat ang naarestong pulis at kung ano ang naging papel nito sa naturang aktibidad.
Kabilang naman sa mga kasong posibleng kaharapin ng suspek ang paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kaugnay ng pagkakakumpiska ng mga hinihinalang ilegal na droga at mga baril na walang lisensya.
Bukod sa mga kasong kriminal, haharap din ang suspek sa hiwalay na prosesong administratibo sa ilalim ng PNP. Nilinaw ni Paderes na nakatuon ang PDEA sa pagsasampa ng mga kasong kriminal, habang nasa PNP naman ang paghawak sa kaukulang aksyong administratibo laban sa kanilang tauhan.
Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng konklusyon ang PDEA sa eksaktong papel ng suspek sa pagpapakalat ng ilegal na droga dahil nakasalalay pa ito sa resulta ng imbestigasyon at pagsusuri ng investigating prosecutor.
Muling iginiit ni Paderes na walang pinipili ang pagpapatupad ng batas at walang sinasanto ang PDEA, kahit pa ang iniimbestigahan ay kapwa nila alagad ng batas. Maging ang mga taong inaasahang nagpapatupad ng batas ay dapat managot kapag mapatunayang lumabag dito.
Matatandaan na Inaresto sa bisa ng search warrant ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 1 katuwang ang iba pang unit ng kapulisan ang suspek na may ranggong Police Chief Master Sergeant matapos makuhaan ng tinatayang ₱5.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu at mga hindi lisensiyadong baril sa Barangay Aserda sa bayan ng Mapandan.
Ang naturang suspek ay may halos dalawang dekada na sa serbisyo at kasalukuyang nakatalaga sa Provincial Drug Enforcement Unit ng Pangasinan — ang mismong yunit na nakatutok sa paglabag at pagpuksa sa ilegal na droga sa lalawigan.
Umabot sa 812.8 gramo ng methamphetamine hydrochloride ang kabuuang nasamsam mula sa suspek, kabilang ang nakumpiska sa kaniyang sasakyan at tirahan.










