Inaasahang malaking bahagi nanaman ng mga bagong magpaparehistrong botante sa Region 1 ay magmumula sa sektor ng kabataan sa pagsisimula ng voters registration para sa 2028 National and Local Elections sa November 10, 2026 hanggang July 30, 2027.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Atty. Reddy C. Balarbar, Regional Director ng COMELEC Region 1, na kapansin-pansin ang pagdami ng mga kabataang nagpaparehistro dahil mas nagiging mulat na ang mga ito sa kahalagahan ng pakikilahok sa halalan at paggamit ng kanilang karapatang bumoto.

Kabilang dito ang mga kabataang nagparehistro noong Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026 na maaari nang maging kuwalipikadong botante sa susunod na National and Local Elections na nakatakda sa May 8, 2028.

--Ads--

Batay sa datos ng COMELEC Region 1, mayroon silang 3,681,582 regular registered voters at 1,301,421 registered SK voters bago ang panibagong registration period.

Maaari pa umanong magbago ang bilang na ito dahil sa mga botanteng made-deactivate at matatanggal sa listahan dahil sa pagpanaw.

Gayunman, target ng COMELEC na makapagdagdag ng halos 150,000 bagong botante sa buong rehiyon.

Ipinaliwanag din ni Balarbar na sa mga new voters ay kailangang 18 taong gulang na ang isang aplikante sa mismong araw ng halalan, mamamayan ng Pilipinas at residente ng lugar kung saan nais bumoto nang hindi bababa sa anim na buwan bago ang eleksiyon.

Samantala, inaasahan ng COMELEC na marami ang magtutungo sa kanilang mga tanggapan sa mga unang araw ng registration, bagama’t karaniwang bumababa ang bilang ng mga nagpaparehistro sa mga susunod na buwan bago muling dumami habang papalapit ang deadline.

Tiniyak naman ni Balarbar na sapat ang kanilang mga kagamitan para sa registration, kung saan mayroon silang 125 functional Voter Registration Machines (VRMs) sa buong Region 1.

Hinikayat niya ang mga kuwalipikadong botante, lalo na ang mga kabataan, na samantalahin ang walong buwang registration period at huwag nang hintayin ang mga huling araw bago magparehistro upang maiwasan ang mahabang pila at abala.