Pinaghahanda ang mga lokal na pamahalaan sa Pangasinan ng mga polisiya at programa upang matugunan ang posibleng epekto ng El Niño, partikular na sa sektor ng agrikultura at mga magsasakang maaaring maapektuhan nito.

Ayon kay Atty. Gerald Gallardo, Provincial Director ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Pangasinan, alinsunod ito sa direktiba ng pambansang pamahalaan na tiyaking may nakahandang plano ang bawat local government unit (LGU) laban sa epekto ng naturang weather phenomenon.

Sa kasalukuyan, isinasagawa na ng mga LGU ang pagbuo ng mga polisiya at programa na magsisilbing gabay sa pagbibigay ng tulong at pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayang posibleng maapektuhan ng El Niño.

--Ads--

Kabilang sa mga pangunahing binibigyang-pansin ang sektor ng agrikultura, lalo na ang mga magsasakang maaaring makaranas ng kakulangan sa suplay ng tubig at iba pang suliranin dulot ng matinding init at tagtuyot.

Samantala, ayon kay Gallardo, bumubuo na rin ng mga kaukulang hakbang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan at tumutulong sa mga LGU sa paghahanda ng kani-kanilang action plan upang matiyak ang maagap at koordinadong pagtugon sa posibleng epekto ng El Niño.