Nakatakda nang makinabang ang nasa 616 na magsasaka matapos na pormal na ma-turnover ang bagong Ogee Dam na itinayo sa Pacalat River.
Ayon kay Engr. Geffrey B. Catulin Regional Manager A, NIA Region 1 nilagyan din ng protection works ang kabilang bahagi ng ilog upang hindi lumihis ang daloy ng tubig at sa halip ay pumasok ito nang diretso sa mga kanal patungo sa mga kabukiran.
Dahil dito, wala nang nasasayang na tubig at tuloy-tuloy na ang pasok ng tubig sa intake ng dam.
Umaabot sa halos 600 ektarya ng bukirin ang mapapatubigan ng nasabing proyekto.
Tiniyak din ng opisyal na walang magiging problema sa patubig ang mga magsasaka kahit pa sa gitna ng banta ng El Niño at epekto ng rice tariffication, dahil permanente na ang dam at dire-diretso ang supply ng tubig.
Sa katunayan, ayon sa kanya, kasalukuyang nag-aani na ang mga magsasaka at ito na ang kanilang pangatlong cropping — bagay na hindi umano nila nagagawa noon na halos isang beses lamang makapagtanim.
Ang tubig na ginagamit sa dam ay nanggagaling mismo sa Pacalat River na dumadaloy sa lugar. Hinarangan lamang ito ng Ogee Dam upang ma-divert ang tubig patungo sa mga kanal ng mga magsasaka.
Inaasahan na mas mapapalakas pa ng proyektong ito ang produksyon ng palay sa lugar at masisiguro ang kabuhayan ng daan-daang magsasaka










