MALASIQUI, PANGASINAN — Naiuwi na sa Pilipinas ang mga labi ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nasawi sa insidenteng naganap sa Shaybah Oilfield ng Saudi Aramco sa Saudi Arabia noong Oktubre 21, 2026, sa pamamagitan ng koordinasyon at pagtutulungan ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at lokal na pamahalaan ng Malasiqui, Pangasinan.
Sinalubong ng nagdadalamhating pamilya at mga kinatawan ng pamahalaan ang pagdating ng mga labi ng nasawing OFW, bilang bahagi ng pagsuporta at pakikiisa ng mga ahensiya sa pamilya sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.
Kabilang sa mga opisyal na nagpaabot ng pakikiramay at suporta sina DMW Assistant Secretary Maria Regina Angela Galias, DMW Region I Regional Director Christian Rey O. Sison, at OWWA Region I Regional Director Marivic L. Mondina, kasama ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan ng Malasiqui.
Bilang paunang tulong pinansyal, nagkaloob ang OWWA ng Special Financial Assistance (SFA) sa pamilya ng nasawing OFW. Nangako rin ang ahensiya na patuloy silang gagabayan sa pagproseso ng iba pang kaukulang benepisyo, kabilang ang Death and Burial Assistance at Education and Livelihood Assistance Program (ELAP), alinsunod sa umiiral na mga patakaran at kwalipikasyon para sa mga aktibong miyembro ng OWWA.
Samantala, muling tiniyak ng OWWA ang patuloy nitong pakikiisa at suporta sa pamilya, lalo na sa pagharap sa mga pangangailangang dulot ng pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.
Sa gitna ng trahedyang ito, ipinapaabot ng mga kinauukulang ahensiya ang kanilang pakikiramay sa naulilang pamilya at dalangin ang walang hanggang kapahingahan ng kaluluwa ng nasawing OFW.










