Malaki ang pananagutan ng sangkot na crematorium center sa insidente ng pagtatapon ng mga alagang hayop dahil sa hindi wastong proseso ng pamamahala at pagtatapon ng mga labi ng mga namatay na alagang hayop kasabay ng pagkakasangkot ng mga bystander sa pangkalahatang operasyon ng pasilidad.

Ito ang naging paliwanag ni Animal Kingdom Foundation Program Director, Atty. Heidi Caguioa hinggil sa insidente ng mga natuklasang labi ng mga alagang hayop sa Quezon City.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Caguioa na hindi nangangahulugang tuluyan nang natapos ang usapin ng ilegal na pagtatapon matapos lumantad ng mga taong responsable sa insidente.

--Ads--

Ayon kay Caguioa, hindi umano natatapos sa pangunahing tungkulin ng NBI na magsagawa ng imbenstigasyon dahil susundan ito ng proseso sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga nasangkot.

Dagdag pa nito na posibler umanong managot ang mga operator sa mga kasong estafa dahil sa hindi pagtupad sa ipinangakong maayos na cremation o paglilibing sa mga alagang hayop kasabay ng mga kasong paglabag sa Solid Waste Management act at mga lokal na ordinansa o regulasyong may kaugnayan sa kalinisan at sanitayon ng pasilidad.

Bagama’t maaaring maging mitigating circumstance ang kusang pagsuko ng mag sangkot, hindi pa rin nito tiyak magiging bigat ng mga kasong posibleng kaharapin ng mga ito ayon sa magiging usad ng kaso at pasya ng korte.

Samantala, hinimok naman ni Caguioa ang mga nagpapatakbo ng pet cremation service na huwag samantalahin ang emosyon at tiwala ng mga pet owner na nagbabayad sa kanila para matiyak ang maayos at marangal na pagtrato sa mga labi ng kanilang mga alaga.