Dagupan City – Malasiqui Police, paiigtingin ang babala laban sa ilegal na paggawa at pagbebenta ng paputok
Paiigtingin ng Malasiqui Municipal Police Station ang information dissemination sa mga barangay upang maiwasan ang ilegal na paggawa, pagbebenta at pagpapaputok ng mga paputok, kasunod ng nakaraang pagsabog sa hinihinalang ilegal na pagawaan sa bayan.

Ayon kay PLtCol. Francisco Sawadan Jr., Chief of Police ng Malasiqui PNP, magbibigay ng mga paalala sa mga barangay na hindi maaaring basta-basta gumawa o magbenta ng paputok nang walang kaukulang permit at inspeksiyon mula sa mga kinauukulang ahensya, partikular ang Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP).

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagsunod sa mga itinakdang lugar kung saan pinapayagan ang pagbebenta ng paputok, gayundin ang mga regulasyon kung anong uri ng paputok ang maaaring ibenta at kung saan lamang ito maaaring gamitin.

--Ads--

Samantala, patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng Malasiqui PNP sa Department of Education (DepEd) para sa pagsusulong ng kaligtasan sa mga paaralan.

Kabilang sa kanilang mga aktibidad ang mga lecture at drill tungkol sa tamang pagtugon sa mga insidente ng active shooting, bomb threat at iba pang banta sa seguridad ng mga paaralan.

Bahagi rin ng paalala ng hepe ang pag-iwas sa basta-bastang paggawa at pagpapaputok ng mga paputok, lalo na sa loob ng mga tahanan, dahil maaari itong magdulot ng pagkasira ng ari-arian, pagkawala ng kabuhayan at panganib sa buhay ng mga mamamayan.

Hinimok ni Sawadan ang publiko na kumuha muna ng mga kinakailangang permit at makipag-ugnayan sa PNP at BFP bago magsagawa ng anumang aktibidad na may kaugnayan sa paggawa o pagbebenta ng paputok, upang maiwasan ang panibagong trahedya sa komunidad.