Isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Pangasinan ang mas malawak at regular na pagdadala ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad upang mapadali ang pag-access ng mga mamamayan, lalo na ang mga nasa malalayong lugar.
Ayon kay Atty. Gerald Gallardo, DILG Pangasinan Provincial Director, kabilang sa mga ahensyang madalas lapitan ng mga residente sa mga service caravan ang Philippine Statistics Authority (PSA), partikular para sa mga katanungan at transaksiyon tungkol sa National ID, birth certificate at iba pang dokumento.
Aniya, nahihirapan ang ilang mamamayan na makakuha ng serbisyo mula sa PSA dahil sa pangangailangan ng online appointment, mahahabang pila at limitadong bilang ng mga tanggapan sa iba’t ibang bayan. Dahil dito, kinakailangan pa ng ilan na bumiyahe nang malayo upang makumpleto ang kanilang mga transaksiyon.
Iminungkahi rin ni Gallardo ang mas malawak na pagdadala ng serbisyo ng PhilHealth, partikular sa mga serbisyong pangkalusugan at pagpapatala sa mga kaugnay nitong programa. Kabilang din sa mga ahensyang mahalagang mailapit sa publiko ang Department of Labor and Employment (DOLE), mga serbisyong may kaugnayan sa migrant workers at Social Security System (SSS).
Binigyang-diin niya na mahalagang maabot ng mga serbisyong ito ang mga pribadong indibidwal at marginalized sectors na nangangailangan ng impormasyon at tulong mula sa pamahalaan.
Sa pamamagitan ng service caravan, nagiging one-stop shop ang isang lugar kung saan maaaring makapagtanong at makapag-asikaso ng transaksiyon ang mga residente sa iba’t ibang ahensya sa iisang pagpunta lamang. Nababawasan nito ang oras, gastos at pagsisikap na kakailanganin kung isa-isang pupuntahan ang mga tanggapan.
Dagdag pa ni Gallardo, hindi dapat limitado sa mga komunidad na saklaw ng Retooled Community Support Program (RCSP) ang ganitong uri ng serbisyo. Isinusulong niya na maging regular na sistema ng paghahatid ng serbisyo publiko ang mga caravan upang mas maraming mamamayan ang makinabang.




