Dagupan City – Umakyat na sa ₱228.46 milyong piso ang kabuuang pinsalang idinulot ng matinding El Niño sa sektor ng agrikultura sa buong Rehiyon 1, batay sa pinakabagong ulat ng Department of Agriculture Regional Field Office 1 (DA-RFO 1).

Ayon sa ulat ng DA-Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center, umabot na sa 8,312 magsasaka ang direktang nawalan ng kabuhayan.

Naitala rin ang kabuuang 3,549.85 ektarya ng sakahan na nasira dahil sa matinding tagtuyot at kakulangan sa patubig, na nagbunga ng humigit-kumulang 10,239.30 metric tons na kabuuang nawalang ani (volume loss).

--Ads--

Pinakamatinding tinamaan ng tagtuyot ang sektor ng palayan na nagtala ng ₱226.21 milyong pisong lugi.

Sumunod dito ang High Value Crops na may ₱2.17 milyong pisong pinsala, bukod pa sa mga naitalang pagkalugi sa maisan, livestock, at poultry.

Sa kabila ng natutuyong mga sakahan, nilinaw ng DA na nananatiling matatag ang antas ng tubig sa San Roque Dam.

Kasalukuyan itong nasa 281.48 meters above sea level (masl), na mas mataas pa sa normal high water level nito na 280 masl.

Patuloy naman ang pagsubaybay ng DA-DRRM Operations Center sa sitwasyon upang maglabas ng mga regular na update at maihanda ang mga karagdagang tulong para sa mga apektadong magsasaka sa rehiyon.