Dagupan City – Nagbabala ang isang cybersecurity specialist sa posibleng panganib na dulot ng cyber attacks sa mga kagamitang pambahay na nakakonekta sa internet, kasunod ng naiulat na pag-atake sa mga freezer sa sampung bansa sa Europa.
Ayon kay Tzar Umang, cybersecurity specialist, posibleng nakompromiso sa insidente ang tinatawag na Supervisory Control and Data Acquisition o SCADA system, na ginagamit sa pagsubaybay at pagkontrol sa operasyon ng mga makina at industrial equipment.
Paliwanag ni Umang, posibleng napagsamantalahan ng mga hacker ang kakulangan sa regular na monitoring at security updates ng mga naturang kagamitan.
Dahil dito, nagkaroon umano sila ng pagkakataong mapasok ang sistema at kontrolin ang temperatura ng mga freezer, na umabot sa 50 degrees Celsius.
Kaya’t nanganib na masira at mabulok ang mga produktong nakaimbak sa loob ng mga freezer bunsod ng hindi angkop na temperatura.
Binigyang-diin ni Umang na hindi lamang mga computer at mobile devices ang maaaring maging target ng cyber attacks dahil maging ang mga appliances na konektado sa internet ay may kaakibat na panganib sa seguridad.
Aniya, gumagamit na rin sa Pilipinas ng mga smart freezer at iba pang internet-connected appliances kaya mahalagang magsilbing aral ang naturang insidente.
Nanawagan din ito ng agarang pag-install ng mga security patches at software updates na inilalabas ng mga manufacturer upang maiwasan ang posibleng pagpasok ng mga hacker.
Kung hindi naman kinakailangang ikonekta sa internet ang isang appliance, mas mainam umano aniya na iwasang magkaroon ito ng remote network access upang mabawasan ang posibilidad na mapasok at makontrol ng mga hindi awtorisadong indibidwal.










