Dagupan City – Sumabak ang Pamahalaang Lokal ng Manaoag sa 4th Quarter 2026 National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) kahapon November 5, 2026 upang subukin at palakasin ang kahandaan at kakayahan ng bayan sa pagresponde sakaling tumama ang malakas na lindol.
Pinangunahan ito ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni Carlito P. Hernando, at sa ilalim ng direktiba ni Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” B. Rosario, ang naturang pagsasanay sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya at sektor sa munisipalidad.
Nakiisa sa malawakang drill ang Manaoag Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection (BFP), Municipal Health Office (MHO), 1st Regional Community Defense Group 105th Community Defense Center (1RCDG 105th CDC), at ang mga mag-aaral at kawani ng Manaoag National High School.
Tampok sa pagsasanay ang mga senaryo ng totoong sakuna kabilang ang paglikas, pag-rescue sa mga nasugatan, at paunang paglalapat ng paunang lunas (first aid).
Layunin nitong tiyakin ang mabilis na koordinasyon at tamang aksyon ng mga emergency responder at ng mamamayan kapag nagkaroon ng tunay na banta ng lindol.
Ayon sa pamahalaang lokal, ang pakikiisa sa NSED ay hindi lamang isang karaniwang pagsasanay kundi isang mahalagang hakbang upang tiyakin na bawat responder ay handa at nakakaalam ng kanilang gagawin upang makapagligtas ng buhay sa oras ng kalamidad.










