Lima ang nasawi habang dalawa ang nakaligtas matapos ang pagsabog sa hinihinalang ilegal na pagawaan ng paputok sa Barangay Tabo-Sili, Malasiqui, dakong alas-7:45 ng gabi noong Nobyembre 4.

Ayon kay PLtCol. Francisco Sawadan Jr., Chief of Police ng Malasiqui Police Station, pitong katao ang naging biktima ng insidente, kabilang ang limang nasawi at dalawang survivor na nasa maayos nang kalagayan.

Matapos ang masusing imbestigasyon na nagpatuloy hanggang madaling araw, natukoy na rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawi at dalawang nakaligtas. Karamihan sa mga biktima ay residente ng Malasiqui, habang isa sa mga nasawi ay mula sa Dagupan City at kinakasama umano ng isa sa mga survivor.

--Ads--

Natukoy na rin ng pulisya ang may-ari ng hinihinalang pagawaan. Kasalukuyang nasa pansamantalang kustodiya ng pulisya ang isa sa mga nakaligtas upang masailalim sa masusing imbestigasyon at kaukulang proseso sa loob ng 36 oras. Posible ring sampahan ng reklamo sa ilalim ng Republic Act 7183 o batas na nagreregula sa paggawa, pagbebenta at pamamahagi ng paputok ang mga mapatutunayang sangkot sa ilegal na operasyon.

Sa isinagawang pagsisiyasat sa lugar, nakarekober ang mga awtoridad ng mga sumabog at hindi sumabog na paputok na gagamiting ebidensiya sa posibleng pagsasampa ng kaso. Ayon pa kay Sawadan, ang isa sa mga survivor ang maaaring makatulong sa pagtukoy kung paano ginagawa ang mga paputok at kung paano nadala ang operasyon sa naturang lugar.

Dating babuyan ang abandonadong pasilidad na ginamit umano bilang pagawaan. Nasa gitna ito ng sakahan at malayo sa mga kabahayan. Batay sa paunang imbestigasyon, ang may-ari ng lugar ay nagpaupang gamitin ito bilang babuyan at wala umanong kaalaman na ginagawa itong pagawaan ng paputok. Wala ring naunang impormasyon ang mga opisyal ng barangay tungkol sa naturang aktibidad dahil ang pagkakaalam nila ay ginagamit lamang ang lugar sa pag-aalaga ng baboy.

Ayon sa Malasiqui Police, kauna-unahang pagkakataon sa kanilang tala ang pagkakadiskubre ng hinihinalang ilegal na pagawaan ng paputok sa bayan. Dahil dito, magsasagawa ang mga awtoridad ng information dissemination at mas mahigpit na pagbabantay sa mga kahina-hinalang aktibidad, partikular sa mga bagong pumapasok sa mga sakahan at pasilidad, upang maiwasan ang pag-uulit ng ganitong trahedya.