Nagpasalamat ang isang grupo ng mga magsasaka sa bayan ng Laoac sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa mga inisyatibong inilalatag nito upang matulungan ang sektor ng agrikultura na mapaghandaan ang posibleng epekto ng El Niño.
Ayon kay Jovito Soriano, presidente ng Lacanis Kalaoac Farmers Irrigators Association, ikinagalak nila ang isinagawang pagpupulong dahil marami silang nalaman na mga paraan upang mapaghandaan ang posibleng epekto ng naturang weather phenomenon.
Kamakailan ay inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculture ang Farmers’ and Fisherfolk Congress on El Niño Preparedness and Mitigation noong Nobyembre 3, 2026, sa Provincial Training and Development Center II, Capitol Complex sa Lingayen.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at sektor ng agrikultura at pangisdaan upang talakayin ang mga kinakailangang paghahanda at hakbang laban sa posibleng epekto ng El Niño.
Umaasa rin ang grupo na sa kabila ng banta ng El Niño ay magiging maganda pa rin ang kanilang ani, lalo’t layunin nilang makapagprodyus ng sapat na suplay ng bigas upang mapakain ang mas maraming mamamayan.
Dalawang beses sa isang taon nagtatanim ng palay ang kanilang grupo at nakatakda silang magsimula ng panibagong taniman ngayong Nobyembre bilang second cropping.
Nagpasalamat din si Soriano sa nagpapatuloy na paglilinis ng mga irigasyon sa kanilang lugar sa tulong ng mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE), katuwang ang mga magsasaka, upang matiyak ang tuloy-tuloy na daloy ng tubig patungo sa kanilang mga palayan.
Mayroon ding iskedyul ng pagpapatubig na ipinatutupad ang National Irrigation Administration o NIA upang mapangasiwaan ang paggamit ng suplay ng tubig.










