Muling susubukan ni Filipina tennis star Alex Eala na talunin ang Czech Republic na si Tereza Valentova sa kanilang ikatlong paghaharap, sa Round of 16 ng WTA 250 Hong Kong Open ngayong Huwebes sa Victoria Park Tennis Stadium.

Pasok na sa Round of 16 si Eala, na kasalukuyang world number 17 at second seed sa torneo, matapos talunin ang Australian na si Emerson Jones sa iskor na 6-4, 6-3 sa opening round nitong Martes.

Nakausad din sa ikalawang round si Valentova, na nasa ika-85 puwesto sa world rankings, matapos gapiin ang Japanese player na si Himeno Sakatsume sa straight sets, 6-3, 7-5.

Sa kabila ng mas mataas na ranking at pagkakaroon ng WTA 500 title, hindi pa nagtatagumpay si Eala laban kay Valentova sa dalawa nilang nakaraang paghaharap.

Una silang nagtagpo sa WTA 250 Osaka Open noong Oktubre, kung saan nanaig ang Czech player sa iskor na 6-1, 6-2. Muli naman nitong tinalo si Eala sa WTA 1000 Doha Open noong Pebrero sa iskor na 7-6 (6), 6-1.

Ngayon, muling magkakaroon ng pagkakataon si Eala na makabawi at makapasok sa quarterfinals ng torneo.

Hangad din ng 21-anyos na Filipina na maipagpatuloy ang magandang kampanya sa Hong Kong Open at tapusin nang malakas ang kanyang breakout season ngayong 2026.