Mahigit isang taon nang walang naitatalang drowning incident sa Angalan River sa bayan ng Mangaldan bunsod ng mahigpit na pagbabantay at inilagay na benchmark markers sa kahabaan ng ilog.
Ito ang inihayag ni Rodolfo Corla ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Mangaldan sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan.
Ayon kay Corla, matapos ang mahigit tatlumpung araw na dire-diretsong pag-ulan bunsod ng southwest monsoon o habagat nitong panahon ng tag-ulan ay hindi pa malinaw ang tubig ng Angalan River.
Anila, pinaghandaan ito ng MDRRMO sa pamamagitan ng pag-iikot ng buong Angalan River mula sa boundary ng Mapandan hanggang San Fabian sa pangunguna ng kanilang response team head na si Mister Ernie Cuition.
Nilagyan aniya nila ng marka at tarpaulin sa programang benchmark upang makita ng mga kababayan kung saan ang malalim at kung saan ang mababaw na parte ng ilog para mapanatili ang kaligtasan sa kailogan.
Ipinaliwanag ni Corla na kahit anong pagbabantay ang gawin, may mga kababayan pa rin na pumupunta sa ilog at minsan ay nagtatago-tago pa, lalo na kapag kumakain ang mga responders.
Dahil sa mahigpit na monitoring, matagal na aniyang walang insidente ng ng mga taga-Mangaldan. Kung mayroon man aniya ay mga dayo lamang at hindi tagarito sa Mangaldan.
Sa ngayon aniya ay naka-deploy pa rin ang mga responders upang masiguro ang kaligtasan ng mga kababayan sa bayan ng Mangaldan.
Kaugnay naman sa paggunita ng Undas 2026, wala aniyang naiulat na pumunta sa Angalan River dahil lahat ay inasikaso ang pagbisita sa sementeryo at sa kanilang mga kabahayan.
Sinabi ni Corla na araw-araw ay nagpupunta ang kanilang team sa ilog at kung kinakailangang magdagdag ng benchmark markers ay agad nila itong ginagawa. Sa palagay aniya ay nalagyan na ang lahat ng malalim na area at ipinapatarpaulin na rin ito.
Huli aniyang drowning incident na naitala sa Mangaldan ay noong nakaraang taon pa sa may Barangay Nabaluan, kaya umabot na ng mahigit isang taon na zero incident sa ilog.
Tiniyak ng MDRRMO Mangaldan na magpapatuloy ang kanilang pagbabantay sa Angalan River upang mapanatili ang zero drowning incident sa bayan.










