Umabot sa 2,086 na benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ang nakiisa at naglingkod upang tiyakin ang kaayusan at kalinisan ng mga sementeryo sa buong Ilocos Region sa katatapos lamang na paggunita ng Undas 2026.

Bilang kabayaran sa kanilang ipinamalas na serbisyo, naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) Region 1 ng kabuuang ₱19.9 milyong piso para sa sahod ng mga nasabing pansamantalang manggagawa.

Bago at habang inobserbahan ang Araw ng mga Patay, ipinadala ang mga benepisyaryo sa iba’t ibang pampublikong sementeryo upang maglinis ng paligid, mag-pintura ng mga pasilidad, at gumawa ng iba pang maintenance activities.

--Ads--

Nakatulong ang kanilang dedikasyon upang maging mas malinis, maayos, at ligtas ang pagdalaw ng libo-libong pamilya sa kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay.

Ayon sa pamunuan ng DOLE Region 1 sa pamumuno ni Regional Director Honorina Dian-Baga, ang inisyatibang ito ay bahagi ng patuloy na layunin ng kagawaran sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Francis N. Tolentino na magkaloob ng agarang tulong pangkabuhayan sa mga nangangailangang mamamayan.

Sa pamamagitan ng programang TUPAD, hindi lamang napaghandaan at napanatili ang kaayusan sa mga komunidad para sa Undas, kundi nakapagbigay rin ito ng mahalagang pangkabuhayan at pansamantalang kita para sa mga displaced at disadvantaged workers sa buong rehiyon.