‎Namahagi ng mga basurahan ang lokal na pamahalaan ng Mangaldan, Pangasinan katuwang ang iba’t ibang kooperatiba at pribadong sektor sa ilang paaralan sa bayan bilang bahagi ng programang pangkalikasan.
‎
‎Sa ilalim ng Project BINahagi na pinangungunahan ng Municipal Cooperatives Office at ni Mayor Bona Fe De Vera-Parayno, layong itaguyod ang tamang segregasyon ng basura at palakasin ang partisipasyon ng komunidad ngayong National Cooperative Month.
‎
‎Ayon sa Municipal Cooperatives Office, hango ang pangalang BINahagi sa salitang bin at bahagi na sumasalamin sa paniniwalang may ambag ang bawat isa sa pagpapanatili ng kalinisan. Sa halip na simpleng pamamahagi lamang ng basurahan, layon din ng proyekto na hubugin sa kabataan ang disiplina, responsibilidad at malasakit sa kalikasan.
‎
‎Sinimulan ang proyekto noong 2025 kung saan ang bawat donor ay nag-sponsor ng isang set ng color-coded na basurahan para sa hazardous waste, biodegradable, recyclable at residual waste.
‎
‎Kabilang sa mga unang benepisyaryo ang Mangaldan National High School, Salaan Elementary School at David National High School, habang kabilang naman sa mga donor ang ilang lokal na kooperatiba at pribadong indibidwal sa bayan.