Mas pinatibay ang pagtutulungan ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Lokal na Pamahalaan ng Alcala matapos ang matagumpay na paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) at opisyal na paglulunsad ng bagong Alcala Negosyo Center kahapon November 03, 2026.
Nagsilbing sentro ng kaganapan sa Alcala Training Center, Poblacion East, ang pagtitipon ng mga pinuno ng DTI at lokal na pamahalaan upang pormal na lagdaan ang kasunduan na naglalayong dalhin ang mas mabilis at direktang serbisyong pangnegosyo sa bayan.
Pinangunahan ang makasaysayang MOA signing nina Alcala Mayor Atty. Manuel T. Collado at Vice Mayor Jojo B. Callejo, kasama sina DTI Region 1 Regional Director Merlie D. Membrere at DTI Region 1 Assistant Regional Director/DTI Pangasinan Provincial Director Natalia B. Dalaten, kasama ang iba pang opisyal ng bayan at mga stakeholders.
Ang pormal na kasunduang ito ay naisakatuparan matapos aprubahan ng Sangguniang Bayan ng Alcala ang panukalang pagtatatag ng Negosyo Center sa kanilang bayan.
Ito na ang ika-30 Negosyo Center ng DTI sa buong lalawigan ng Pangasinan.
Sa pamamagitan ng nilagdaang MOA, magiging opisyal at mas madali na para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) at mga gustong magsimula ng negosyo sa Alcala na makakuha ng tulong sa rehistrasyon, advisory services, at mga programa sa pagpapalago ng lokal na negosyo.










