Magsasagawa ang International Criminal Court o ICC ng paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa tig-iisang oras na hearing blocks, na may 30 minutong pahinga sa pagitan ng mga sesyon. Isinaalang-alang ng korte ang edad at medical condition ng dating pangulo.

Sa ikalimang status conference noong Nobyembre 2, sinabi ni Presiding Judge Joanna Korner na susundin ng korte ang rekomendasyon ng mga medical expert na hatiin sa mas maiikling sesyon ang paglilitis. Magsisimula ang mga pagdinig sa alas-singko ng hapon, oras sa Pilipinas, at magtatapos sa alas-onse ng gabi, kasama ang mga nakatakdang pahinga.

Matatandaang idineklara ng ICC noong Oktubre na fit to stand trial si Duterte matapos suriin ng medical experts ang kanyang kakayahang unawain ang mga sakdal, sundan ang mga ebidensya at makipag-ugnayan sa kanyang mga abogado. Gayunman, maaari pang baguhin ang iskedyul habang nagpapatuloy ang paglilitis.

--Ads--

Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng umano’y pagpatay at tangkang pagpatay sa ilalim ng kanyang war on drugs mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019. Nakatakdang magsimula ang kanyang paglilitis sa Nobyembre 30.