Hindi pa rin sapat para matugunan ang pangangailangan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan ang nakumpletong bidding ng Department of Education o DepEd para sa pagbili ng mahigit 170,000 Apple MacBook Neo laptops.

Ito ang naging pahayag ni Ruby Bernardo, National Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers Philippines, sa kabila ng planong pamamahagi ng mga bagong laptop sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Ayon kay Bernardo, malayo pa rin ang bilang ng mga laptop na bibilhin sa kabuuang bilang ng mga guro sa bansa na tinatayang nasa 900,000. Aniya, mula noong 2022, nasa 230,000 guro pa lamang ang nabigyan ng laptop sa ilalim ng computerization program ng DepEd, kung saan marami na rin sa mga ito ang nasira o hindi na nagagamit.

--Ads--

Dagdag pa niya, matagal nang sariling bulsa ng mga guro ang ginagamit sa pagbili ng mga kagamitang kailangan sa pagtuturo, habang ang ilan ay napipilitang mangutang para makabili ng laptop. Mahalaga aniya ang mga ito sa paghahanda ng learning materials, paggamit ng visual aids at pagsasagawa ng alternative learning delivery modes tuwing may suspensyon ng klase.

Kinuwestiyon din ni Bernardo ang naging pagbili ng mga laptop noong panahon ng pandemya na nagkakahalaga umano ng mahigit 58,000 piso bawat isa ngunit gumamit lamang ng lumang Intel Celeron processor. Aniya, marami sa mga ito ang hindi nagtagal at tuluyan nang hindi nagagamit, habang wala pa ring napapanagot sa naturang procurement issue.

Dahil dito, nanawagan ang ACT Philippines sa pamahalaan na tiyaking mabibigyan ng laptop ang bawat guro at mabigyan ng sapat na pondo ang computerization program ng DepEd sa 2027 national budget upang matugunan ang matagal nang kakulangan sa mga kagamitan sa edukasyon.