Nasawi ang isang Indian tourist matapos magbanggaan ang dalawang helicopter habang tinatangkang lumapag malapit sa base camp ng Mount Everest sa Nepal.
Kinumpirma ng dalawang opisyal na naganap ang insidente dakong alas-8:15 ng umaga, lokal na oras, sa lugar ng Pheriche, may layong 12 kilometro sa timog ng Mount Everest Base Camp.
Batay sa beripikadong video ng insidente, nagkiskisan ang mga rotor blade ng dalawang helicopter habang papalapag ang mga ito na naging sanhi ng aksidente.
Kinilala ng helicopter company na Fishtail Air ang nasawing Indian national na si Vasanth Kumar Balaramudu. Ayon sa kompanya, isa sa kanilang helicopter ang sangkot sa banggaan, kung saan nasugatan din ang isa pang pasahero at ang piloto nito.
Kinilala naman ni Bhupendra Thapa, opisyal ng Solukhumbu District, ang nasugatang pasahero bilang isang turista mula sa New Zealand.
Agad na nailigtas ang mga nasugatan at isinugod sa Kathmandu para sa karagdagang gamutan.
Samantala, kinumpirma ng Fishtail Air na ang ikalawang helicopter ay pagmamay-ari ng Air Dynasty at may kargang mga kagamitan nang mangyari ang insidente. Wala namang iniulat na nasugatan sa nag-iisang crew member na nagpapatakbo nito.










