Ipinaliwanag ni Dr. Argel Masanda, Psycholigist ng Wudnt Psychological Institue, ang ugnayan ng takot at pagkakakita ng mga paranormal na bagay sa isipan ng isang tao.

Ayon kay Masanda, normal umano na emosyon ng isang tao ang takot at nagsisilbi itong alarm signal upang maprotektahan ng isang indibidwal ang kaniyang sarili laban sa mga posibleng panganib, kabilang ang mga hindi pangkaraniwang pangyayaring madalas naiuugnay sa mga paranormal activities.

Dagdag pa ni Masanda, bagama’t nagsisilbi rin umanong survival mechanism ang takot upang makapagbigay ng angkop na rekasyon ang isang indibidwal sa mga sitwasyong kinakaharap ay hindi rin makabubuti kapag sumobra at nakaaapekto na ito sa pang-araw-araw na pamumuhay.

--Ads--

Ibinahagi rin ng psychologist na may mga pagkakataon ding natututunan ang takot sa pamamagitan ng conditioning o mga dating karanasan kung saan naiuugnay ng isang tao ang isang partikular na bagay o sitwasyon sa isang nakakatakot na pangyayari.

Kaugnay nito, ipinaliwanag din ni Masanda ang tinatawag na pareidolia kung saan isa umano itong natural psychological phenomenon na naguudyok sa utak ng isang taong makakita o makakilala ng mga pattern at hugis mula sa mga ordinaryong bagay sa paligid.

Binigyang-diin naman ni Masanda na mahalagang magkaroon ng sapat na ebidensya bago ituring na paranormal activity ang isang hindi pangkaraniwang pangyayari dahil maaaring bunga lamang ito ng imahinasyon o pagbabago sa persepsyon ng tao dahil sa kakulangan sa tulog, matinding stress at kakulangan sa sustansyang kailangan ng utak upang maayos na maproseso ang impormasyon na kadalasan ay nagdudulot ng perceptual disturbances o hallucinations.