Mananatiling nakadeploy sa mga sementeryo sa buong lalawigan ang mga nasa mahigit 800 tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Pangasinan hanggang ngayong Nobyembre 3 upang tiyaking walang maiiwang banta ng sunog habang nagsisi-uuwian ang mga tao mula sa paggunita ng Undas.

Ayon kay FSINSP. Kimber-Ann B. Combate, Provincial Chief ng Public Information Section ng BFP Pangasinan, patuloy ang kanilang pagbabantay sa mga lokal na sementeryo habang hinihintay ang opisyal na demobilization o recall mula sa kanilang mga posting.

Aniya, isa sa mga pangunahing binabantayan ng BFP sa pagtatapos ng Undas ay ang mga naiiwanang nakasinding kandila na walang nag-aasikaso.

--Ads--

Nagbabala ang opisyal na ang mga naiiwanang kandila sa mga altar at sementeryo, kasama ang mga nakaligtaang nakasaksak na appliances, ang karaniwang pinagmumulan ng sunog tuwing Undas.

Sa kabila nito, nagtala pa rin ang BFP Pangasinan ng limang insidente ng sunog sa kasagsagan ng Undas ngayong taon sa mga bayan ng Rosales, Mangatarem, Urbiztondo, Tayug, at Alcala na kasalukuyan pang inaalam ang mga sanhi at beripikasyon sa bawat himpilan sa lalawigan.

Ang nasabing bilang ay mas mataas kumpara sa apat na insidente ng sunog na naitala noong nakaraang Undas, kung saan dalawa rito ay residential fire, isa ang vehicular fire, at isa ang rubbish fire sa isang sementeryo sa Infanta.

Karaniwan aniyang nagiging sanhi ng sunog sa ganitong sitwasyon ay ang unattended open flame o naiiwanang nakasinding kandila at electrical overload.

Dahil dito, muling pinaalalahanan ng BFP ang mga kababayang lalabas pa ng bahay na tiyaking naka-unplug ang mga appliances at ugaliing isave ang mga hotline number ng BFP para sa mabilisang pagtugon sa anumang emergency.