Mahigit 1,400 bata ang lumahok sa ikaapat na taon ng one Manaoag Trick or Treat na isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Manaoag, Pangasinan noong Oktubre 30.
Ayon kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, umabot sa mahigit 2,800 katao, kabilang ang mga magulang at guardian, ang dumalo sa aktibidad na naglalayong magbigay saya sa mga bata bago ang Undas.
Nagtampok ang mga tanggapan ng munisipyo ng iba’t ibang dekorasyon na may temang pumpkin patch, habang nagkaroon din ng mga palaro, magic show at paligsahan sa pinakamagandang costume para sa mga bata at empleyado.
Layunin din ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga bata na makilala ang iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan, gayundin ang maipakita ang talento at pagkamalikhain ng mga empleyado.










