Ikinababahala ng Samahan ng mga Magbabangus sa Pangasinan ang posibleng epekto ng pagdami ng imported at smuggled na bangus sa lokal na industriya, partikular sa kita ng mga maliliit at katamtamang laki ng mga prodyuser.
Ayon kay Christopher Aldo Sibayan, pangulo ng SAMAPA, maaaring bumagsak ang presyo ng lokal na bangus kapag hindi maayos na natataya ang pangangailangan ng bansa at napakaraming imported na produkto ang pumapasok sa merkado.
Hindi naman aniya tutol ang samahan sa importasyon, subalit dapat itong bantayan at limitahan upang hindi makipagkumpitensya sa presyo ng mga lokal na produkto.
Hinimok din ni Sibayan ang pamahalaan na paigtingin ang pagbabantay laban sa smuggling at bigyang-proteksiyon ang lokal na produksyon, hindi lamang ng bangus kundi pati ng iba pang produktong aquaculture sa bansa.
Sa kaniyang obserbasyon, sapat ang pinagsamang produksyon ng mga bangus na inaalagaan sa palaisdaan at mga nahuhuli sa dagat upang matugunan ang pangangailangan sa bansa.
Binigyang-diin niyang dapat maipamahagi ang lokal na produksyon sa mga lugar na nangangailangan ng suplay upang mapanatili ang food security at maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magbabangus.










