Nakahanda na ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Natividad, Pangasinan para sa inaasahang pagdagsa ng mga bibisita sa mga sementeryo ngayong Undas 2026.

Ayon kay Levi Toledo Soriano, OIC ng MDRRMO Natividad, nagsimula nang mag-deploy ng mga unipormadong tauhan noong Oktubre 28 bilang bahagi ng pinaigting na paghahanda ng bayan.

Dalawang sementeryo ang tututukan ng mga awtoridad, kabilang ang Municipal Cemetery at ang sementeryo sa Barangay Luna. Magpapatupad din ng pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada, kabilang ang bahagi ng Natividad-San Nicolas Road, at maglalagay ng mga babala para sa rerouting ng trapiko.

--Ads--

Samantala, bukas sa mga turista ang Sky Plaza, habang viewing lamang at walang swimming na papayagan sa Maranum Falls. Magtatalaga rin ng mga medical team sa naturang talon katuwang ang tourism office.

Sa ngayon, wala pang naitatalang insidente mula nang magsimula ang deployment ng mga tauhan, ayon kay Soriano.

Pinayuhan naman niya ang publiko na magdala ng sapat na tubig upang maiwasan ang dehydration dahil sa mainit na panahon, bantayan ang mga batang kasama sa pagbisita at iwasang magdala ng mga matutulis na bagay upang maiwasan ang aksidente.