Magpapatupad ng road closure at rerouting sa ilang bahagi ng bayan ng Calasiao sa mismong araw ng Undas upang matiyak ang maayos na daloy ng mga sasakyan at kaligtasan ng mga dadalaw sa mga sementeryo.
Ayon kay PCAPT Julfre E. Ayson, Police Captain ng Calasiao PNP, kabilang sa mga lugar na maaapektuhan ang Poblacion at Samingle area, kung saan inaasahang maraming mamamayan ang dadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Bago ang Undas, ipaaalam umano ng pulisya ang mga kalsadang isasara at mga alternatibong ruta upang makapaghanda ang mga motorista at jeepney driver at maiwasan ang abala sa kanilang biyahe.
Kaugnay nito, pinapayuhan ang mga motorista at jeepney driver na abangan ang magiging abiso ng Calasiao PNP tungkol sa mga kalsadang isasara at mga alternatibong ruta sa Undas.
Magpapatuloy din ang mga nakatakdang checkpoint ng kapulisan bilang bahagi ng kanilang mga hakbang upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa bayan ng Calasiao sa panahon ng paggunita sa Undas.










