Mahigpit na nagpaalala ang Pozorrubio Municipal Police Station (MPS) sa publiko na pairalin ang ibayong pag-iingat, disiplina, at kooperasyon sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga mamamayan para sa paggunita ng Undas 2026.

Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ni Police Major Jorlan Salcedo, Chief of Police ng Pozorrubio MPS, na mahalagang maging mapagmatyag at responsable ang bawat isa habang ginugunita ang All saints day at All souls day sa mga sementeryo at iba pang pampublikong lugar.

Ayon kay Salcedo, inaasahan ang malaking bilang ng mga bibisita sa mga puntod, kaya naman mahalagang pairalin ang disiplina, pag-iingat, at pakikiisa sa mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

--Ads--

Bilang bahagi ng pagtiyak sa seguridad ng komunidad, naglabas din ang pamunuan ng pulisya ng mga mahalagang gabay pangkaligtasan para sa mga residente.

Pinapayuhan ang publiko na tiyaking maayos na nakasara at nakakandado ang mga pinto at bintana ng bahay bago umalis, ingatan ang mga personal na gamit at iwasang magdala ng mga hindi kinakailangang bagay, at laging bantayan ang mga bata at nakatatanda lalo na sa mga matataong lugar.

Nagpaabot din ng paalala si Salcedo na ang Undas ay dapat gunitain nang may paggalang, pagninilay, at disiplina, kung saan ang kaligtasan ng bawat isa ay sama-samang dapat pangalagaan.

Kasalukuyang naka-monitor at nakataas ang alerto ng mga tauhan ng Pozorrubio MPS upang magbantay sa mga pangunahing lansangan, at sementeryo sa buong bayan upang masiguro ang ligtas at mapayapang paggunita ng Undas 2026 sa kanilang nasasakupan.