Nagsagawa ng pag-iikot at inspeksiyon si Police Brigadier General Crisaleo R. Tolentino, Regional Director ng Police Regional Office 1 (PRO-1), sa mga police unit sa Pangasinan upang matiyak ang kahandaan ng mga pulis sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan ngayong Undas 2026.

Kabilang sa mga sinuri ng regional director ang deployment ng mga tauhan, kanilang kahandaan at morale, gayundin ang maayos na komunikasyon, command and control, at pagsunod sa mga direktiba ng nakatataas na opisyal.

Binigyang-diin ni Tolentino ang kaligtasan ng mga pulis habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, gayundin ang pangangailangang mabawasan ang mga insidente sa panahon ng paggunita sa Undas.

--Ads--

Nakatuon ang mga hakbang ng kapulisan sa pagbabantay sa mga pangunahing lansangan, transport terminal, simbahan at sementeryo, kung saan inaasahang dadagsa ang mga tao upang gunitain ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Bukod sa inspeksiyon sa mga sementeryo, layunin din ng pagbisita na makaharap at masuri ang kalagayan ng mga pulis sa mga himpilan sa lalawigan. Ayon kay Tolentino, patuloy pa niyang nililibot ang iba’t ibang lugar sa rehiyon mula nang maupo bilang regional director.

Nagpaalala rin ang opisyal sa publiko na tiyaking ligtas ang kanilang mga tahanan bago umalis upang bumisita sa mga sementeryo. Hinikayat din ang lahat na sundin ang mga ipinagbabawal na bagay at gawain sa loob ng mga sementeryo.

Dagdag pa niya, mahalaga ang pagtutulungan ng mga awtoridad at mamamayan upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa panahon ng Undas.

Hinimok din ang publiko na panatilihin ang pagiging mahinahon at igalang ang solemnidad ng okasyon sa halip na gawing pagkakataon ang paggunita upang mag-ingay o magdaos ng kasiyahang hindi naaayon sa diwa nito.