Nakatutok na ngayon ang buong puwersa ng kapulisan kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mahigpit na seguridad para sa paggunita ng Undas sa bayan ng Mangatarem.
Ayon kay Pmaj Arturo Melchor Jr. COP ng Mangatarem PS, nakalatag na ang deployment ng mga tauhan sa mga pangunahing sementeryo simula pa noong mga nakaraang araw. Katuwang sa operasyon ang militar, mga force multiplier, rescue groups, at mga lokal na opisyal upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko
Pinagbabawalan ang pagdadala ng mga kontrabando tulad ng matatalim na bagay at armas sa loob ng mga sementeryo.
Samantala, nagpatupad din ng pansamantalang traffic rerouting scheme sa mga kalsada malapit sa mga puntod upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko, habang nakahanda naman ang mga tauhan ng kalusugan at rescue units para sa agarang pagtugon sa anumang emerhensiya.
Paalala naman ni Melchor sa publiko na maging mapagmatyag, tiyaking ligtas ang mga tahanan bago umalis, at sumunod sa mga alituntunin upang mapanatili ang mapayapa at ligtas na paggunita ng Undas sa bayan.










