Nanawagan ang pamunuan ng Barangay Caranglaan sa mga residente na simulan at paigtingin ang pagtitipid pati na ang pag-iimbak ng tubig bilang paghahanda sa inaasahang matinding epekto ng El Niño at tag-init.
Ayon kay Kapitan Gregorio Claveria Jr., mahalagang magsimula sa bawat tahanan at sa mismong barangay hall ang disiplina sa paggamit ng tubig.
Binigyang-diin niya na tungkulin ng mga nakatatanda na gabayan at turuan ang mga kabataan ukol sa tamang pagtitipid habang maaga.
Ibinahagi ni Claveria na marami na sa kaniyang mga kabarangay ang nagkukusa at bumibili ng malalaking drum upang mag-imbak ng ekstrang tubig.
Aniya, malaking tulong ito upang may magamit ang bawat pamilya sakaling magkaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig ngayong tag-init.
Bukas din ang kapitan sa paggamit ng mga alternatibong paraan ng pagtitipid tulad ng rainwater harvesting at filtration system upang gawing inumin ang tubig-ulan matapos ipakita sa social media ni DSWD Secretary Gachalian kung paano ito ginagawa.
Tiniyak ni Claveria na handang-handa ang barangay na pag-aralan at i-adopt ang naturang pamamaraan kapag may magturo o maglunsad nito sa kanilang lugar.
Nangako rin ang pamunuan ng Barangay Caranglaan na nakahanda silang magpaabot ng tulong sa abot ng kanilang makakaya para sa kapakanan ng mga residente ngayong panahon ng tag-init.










