Kinondena ng Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) ang insidente ng umano’y pagpapadura ng isang guro sa bote ng softdrinks at pagpapainom nito sa dalawa pang mag-aaral bilang parusa, na iginiit na walang puwang ang ganitong gawain sa sektor ng edukasyon.

Ayon kay Arlene James Pagaduan, pangulo ng ASSERT, hindi katanggap-tanggap ang naturang insidente, bagama’t kinakailangan pa rin itong dumaan sa masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at pananagutan ng mga sangkot.

Aniya, kung mapatutunayang nagkasala ang guro, hindi ito kukunsintihin ng kanilang grupo dahil maituturing umano itong paglabag sa Child Protection Policy.

--Ads--

Inihalintulad din ni Pagaduan ang naturang parusa sa mga gawaing ginagawa bilang bahagi ng initiation sa mga fraternity o sa Citizen Army Training (CAT), na aniya ay hindi dapat magkaroon ng puwang sa mga paaralan.

Dagdag pa niya, nakadepende sa magiging resulta ng imbestigasyon ang kaukulang parusa sa guro. Maaari umano itong humarap sa kasong administratibo o kriminal, depende sa mga mapatutunayang paglabag.

Samantala, sinabi ni Pagaduan na kabilang sa mga posibleng parusa ang suspensiyon, na tinukoy niyang pinakamagaan na maaaring ipataw sa naturang guro.

Binigyang-diin ng ASSERT na mahalagang matiyak ang pananagutan sa anumang paglabag sa kapakanan at karapatan ng mga mag-aaral, kasabay ng pagsasagawa ng patas at masusing imbestigasyon sa insidente.