Ipinatupad ng Dagupan Electric Corporation (DECORP) ang ₱0.52 bawat kilowatt-hour (kWh) para sa dagdag-singil sa mga kabahayan ngayong buwan ng Oktubre matapos ang pagtaas ng kanilang average selling rate.

Mula sa ₱10.96 kada kWh noong Setyembre, umabot na sa ₱11.35 kada kilowatt-hour ang kasalukuyang average selling rate ng DECORP ngayong Oktubre.

Ayon sa kompanya, ang nasabing halaga ay direktang epekto ng paggalaw ng mga sumusunod gaya ng pagtaas ng generation charges, pagbabago sa foreign exchange rates, pag-akyat ng presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM)

--Ads--

Para sa mga pamilyang may katamtamang buwanang konsumo na aabot sa 200 kWh, ang ₱0.52 kada kilowatt-hour na karagdagang singil ay tinatayang magdaragdag ng nasa ₱104.00 sa kanilang buwang bayarin.

Sa kabilang banda, nilinaw ng DECORP na nananatiling walang pagbabago mula pa noong 2015 ang kanilang mga sinisingil para sa distribution, supply, at metering.

Kaugnay nito, mahigpit na pinayuhan ng pamunuan ng DECORP ang mga konsyumer na ugaliing magtipid sa kuryente.

Kabilang sa kanilang mga rekomendasyon ang pagpatay ng mga ilaw at mga kagamitang de-kuryente na hindi ginagamit upang makontrol ang konsumo at maiwasan ang mas mabigat na pasanin sa susunod na billing period.