
Niyanig ng magnitude 5.0 na lindol ang bayan ng Glan sa Sarangani at mga karatig-lalawigan ngayong umaga ng Miyerkules, Oktubre 28, 2026.
Batay sa Earthquake Information ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang pagyanig ganap na 9:11 ng umaga na may lalim na 18 kilometro at natunton ang epicenter 23 kilometro sa timog-silangan ng Glan.
Naramdaman ang Intensity IV sa Sarangani, Davao Occidental, habang naitala naman ang Intensity III sa General Santos City, Tupi sa South Cotabato, at sa mga bayan ng Glan, Alabel, Malungon, at Kiamba sa Sarangani.
Naitala rin ang Intensity II at I sa iba pang bahagi ng Sarangani, South Cotabato, at Davao Occidental, kasabay ng naitala ring instrumental intensities sa iba’t ibang lungsod at lalawigan sa SOCCSKSARGEN at Davao Region.
Kumpirmado ng PHIVOLCS na ang naturang pagyanig ay matuturing na aftershock pa rin ng malakas na magnitude 7.8 offshore Sarangani at magnitude 6.5 offshore Davao Occidental earthquake noong Hunyo 8, 2026.
Patuloy namang nagpapaalala ang mga disaster risk reduction and management office sa rehiyon na manatiling alerto ang publiko sa mga posibleng susunod pang pagyanig.









