Nanawagan ang Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) sa Department of Education (DepEd) na magpatupad ng mga pangmatagalang solusyon sa matinding init sa mga paaralan, sa gitna ng mga pangambang patuloy itong makaaapekto sa kaligtasan at pagkatuto ng mga mag-aaral gayundin sa kalusugan ng mga guro.

Ayon kay Arlene James Pagaduan, pangulo ng ASSERT, hindi sapat ang mga pansamantalang hakbang gaya ng pagsususpinde ng klase at pagbabago sa oras ng pagpasok upang matugunan ang epekto ng tumitinding init sa mga pampublikong paaralan.

Aniya, karamihan sa mga silid-aralan ay electric fan lamang ang mayroon at walang air-conditioning system, na nagiging hamon sa pagpapanatili ng komportableng kapaligiran para sa pag-aaral.

--Ads--

Binigyang-diin ni Pagaduan na kailangang pag-aralan ng DepEd ang mga solusyong pangmatagalan dahil posibleng maging karaniwang hamon sa mga paaralan ang matinding init. Kabilang sa mga maaari umanong isaalang-alang ang paglalagay ng air-conditioning units kung kaya ng pondo at ang pagdidisenyo ng mga silid-aralan na may maayos at sapat na bentilasyon.

May ilang lokal na pamahalaan na umanong nagkakasa ng mga hakbang, kabilang ang paglalagay ng air-conditioning units sa mga silid-aralan. Gayunman, sinabi ni Pagaduan na hindi lahat ng paaralan ay may kakayahang tustusan ang ganitong pasilidad, kaya mahalagang magkaroon ng mga alternatibong solusyong praktikal at pangmatagalan.

Ipinahayag din niya ang pangamba sa posibleng katiwalian sa mga proyektong pang-imprastraktura ng mga paaralan, partikular sa paggamit ng pondong nakalaan para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan. Aniya, mahalagang matiyak na maayos ang pagkakagawa ng mga pasilidad at tunay na natutugunan ng mga ito ang pangangailangan ng mga mag-aaral at guro.

Umaasa rin si Pagaduan na hindi na kakailanganing umasa sa mga makeshift classroom dahil maaaring mas uminit ang mga ito at hindi maging angkop sa pag-aaral. Aniya, nakaaapekto ang matinding init sa konsentrasyon ng mga mag-aaral at sa kanilang kakayahang makilahok sa mga talakayan sa klase.

Bagama’t sinusuportahan ng ASSERT ang mga hakbang ng DepEd para sa kaligtasan ng mga mag-aaral, iginiit ni Pagaduan na dapat ding bigyang-pansin ang kapakanan ng mga guro, lalo na ang mga may edad na at may umiiral nang karamdaman na maaaring maapektuhan ng matinding init.

Kabilang sa mga hakbang ng kagawaran ang pagpapahintulot sa pagsusuot ng komportable ngunit angkop na kasuotan, gayundin ang pagsasaayos ng oras ng klase at paggamit ng alternative delivery modes. Gayunman, ayon kay Pagaduan, magkakaiba pa rin ang pagpapatupad ng mga ito sa bawat paaralan.

Nanawagan ang ASSERT sa DepEd na maglatag ng mas komprehensibo at pangmatagalang plano upang matiyak na ang mga silid-aralan ay ligtas, maaliwalas at angkop sa pag-aaral, sa halip na umasa lamang sa mga pansamantalang hakbang tuwing tumitindi ang init ng panahon.