Nanawagan ang FOI Youth Initiative ng ganap na transparency at pananagutan sa pagbuo ng pambansang budget, kasabay ng babala na maaaring malagay sa alanganin ang pondong para sa batayang serbisyong panlipunan dahil sa iregularidad at pamumulitika sa paglalaan ng pondo.

Ayon kay Patrick Acupan, convenor ng FOI Youth Initiative, bagama’t tungkulin ng mga mambabatas na maghain ng mga panukalang budget, mahalagang malinaw sa publiko ang batayan ng mga ito at kung saan nakatakdang gamitin ang pondo.

Giit ni Acupan, dapat mabigyan ang publiko ng sapat na impormasyon tungkol sa proseso ng pagbuo at paglalaan ng budget upang matiyak na maayos at responsable ang paggamit sa pera ng taumbayan.

--Ads--

Ibinabala rin niya ang posibilidad na maapektuhan ng ugnayang pampulitika ang pamamahagi ng ayuda, kung saan maaaring mas mapaboran ang mga taong malapit sa mga politiko kaysa sa mga higit na nangangailangan ng tulong.

Dahil dito, iginiit niyang dapat nakabatay sa malinaw at patas na pamantayan ang pagpili sa mga benepisyaryo upang hindi magamit ang mga programang ayuda bilang instrumento ng political patronage o pamumulitika.

Binigyang-diin ni Acupan na pera ng mamamayan ang ginagamit sa mga programa ng pamahalaan, kaya nararapat lamang na maging bukas sa pagsusuri at managot ang mga kinauukulan sa paggamit nito.

Dagdag pa niya, kailangang matiyak na hindi maisasantabi ang mga programang nagbibigay ng batayang serbisyong panlipunan sa gitna ng mga pagbabago sa alokasyon ng pambansang budget.