Nakaantabay na ang Bureau of Fire Protection sa Santa Barbara Pangasinan para sa inaasahang pagdagsa ng mga motorista, bakasyunista at mga dadalaw sa mga sementeryo ngayong Undas.

Ayon kay Municipal Fire Marshal, FSINSP Gian Gloreine U Galano, naka-deploy na ang kanilang mga tauhan sa mga pampublikong lugar, simbahan, palengke, terminal at mga sementeryo upang magbigay ng assistance at agarang tugon sakaling magkaroon ng emergency.

Bukod dito, magsasagawa rin ang BFP ng mga fire safety inspection at information drive, habang nakatakda namang itaas ang kanilang alert status bago at habang isinasagawa ang paggunita sa Undas.

--Ads--

Pinapayuhan naman ang publiko na maging maingat sa paggamit ng kandila, electrical appliances at iba pang maaaring pagmulan ng sunog, gayundin ang pagpapanatili ng sapat na hydration habang nasa mga sementeryo.

Kaya paalala ng BFP, huwag nang hintayin pang magkaroon ng insidente bago maging maingat ngayong Undas. Bukod sa pag-iwas sa sunog, mahalaga ring bantayan ang kalagayan ng mga kasama, lalo na ang mga matatanda at mga mananatili nang matagal sa sementeryo dahil sa mataas na temperatura.

Sa oras ng emergency, agad na makipag-ugnayan sa mga awtoridad o tumawag sa 911 para sa agarang tulong.