Tumestigo sa Sandiganbayan Fifth Division si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan kaugnay ng petisyon para sa piyansa ni Senador Jinggoy Estrada ngayong araw.
Sa kaniyang testimonya, isiniwalat ni Bonoan na humiling umano si Estrada ng mga proyektong nagkakahalaga ng P1 bilyon upang maisama sa pambansang badyet sa pamamagitan ng dating DPWH Undersecretary na si Robert Bernardo.
Ayon kay Bonoan, pinalutang ang kahilingan para sa karagdagang pondo dahil sa posisyon ng senador bilang Senate President Pro Tempore at iniugnay rin ito sa umano’y gastusin sa halalan.
Bagamat P1 bilyon ang hininging halaga sa ilalim ng Senate Leadership Fund, umabot lamang sa P700 milyon ang opisyal na naaprubahan sa General Appropriations Act (GAA).
Nang tanungin ng kampo ng depensa ukol sa kaniyang kasiguraduhan, iginiit ng dating kalihim na wala siyang dahilan upang magduda dahil matalik na magkaibigan sina Estrada at Bernardo.
Nabatid na dating nagsilbing district engineer sa Maynila si Bernardo noong panahon ng panunungkulan ng ama ng senador na si dating Pangulong Joseph Estrada bilang alkalde ng lungsod.
Sa ngayon, wala pang tugon ang kampo ng senador sa mga naging pahayag ni Bonoan sa harap ng mga mahistrado.
Gayunman, umaasa itong mapagbibigyan ang hirit na makapaglagak ng piyansa upang makabalik sa trabaho sa Senado.










