Dagupan City – ‎Ipapatupad ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan, Pangasinan ang pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada at pagbabago sa daloy ng trapiko sa Nobyembre 1 at 2, kasabay ng paggunita sa Undas 2026.

Layunin ng hakbang na mapangasiwaan ang inaasahang pagdami ng mga motorista at mga dadalaw sa mga pampubliko at pribadong sementeryo sa bayan.
‎
Nakasaad sa Executive Order No. 2026-077, na nilagdaan noong Oktubre 22, ang mga itinalagang pasukan at labasan ng mga sasakyan. Gagamitin ang Guilig Access Road malapit sa slaughterhouse bilang pasukan, habang mananatiling bukas sa dalawang direksiyon ang Bari Diversion Road malapit sa Centro Parts, J.I. De Guzman Street at P. De Guzman Street. Para naman sa mga papasok na sasakyan lamang ang Magno Street.
‎
Itinalaga ang Tony’s Lumber sa Malabago bilang labasan patungong Malabago, PNR West sa Salay para sa mga biyaheng patungong Salay, at National Road sa Salay para sa mga patungong Lanas.

Samantala, eksklusibo sa mga naglalakad ang Jimenez Street sa gilid ng Rural Bank of Mangaldan, kung saan hindi papayagang dumaan ang mga sasakyan. Itinakda rin ang mga drop-off point sa harap ng Mangaldan National High School at sa kanto ng P. De Guzman Street at Presto Street.
‎
Maaaring gamitin ang bakuran ng St. Thomas Aquinas Parish, quadrangle ng Mangaldan National High School at bakuran ng munisipyo bilang mga itinalagang paradahan.

Pinapayuhan ang publiko na planuhin ang biyahe, sundin ang mga nakatalagang ruta at karatula, at makipagtulungan sa mga awtoridad upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko at matiyak ang kaligtasan ng mga bibisita sa mga sementeryo sa Undas.