Dagupan City – Naghahanda na ang San Quintin Municipal Police Station para matiyak ang ligtas at mapayapang paggunita ng Undas 2026 sa pamamagitan ng mas pinaigting na police visibility, traffic management at pagpapatupad ng mga hakbang laban sa krimen.
Ayon kay PCapt. John Inay, officer-in-charge ng San Quintin PNP, layunin ng kanilang paghahanda na mapangalagaan ang kaligtasan ng mga residente at mga bibisita sa sementaryo, gayundin ang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bayan.
Noong Oktubre 22, 2026, nagsagawa ang kapulisan ng mga pagpupulong kasama ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), Rural Health Unit at mga barangay chairman na nasasakupan ng sementaryo upang talakayin ang security plan para sa Undas.
Nagsagawa rin ng walkthrough upang matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng karagdagang seguridad at iba pang paghahanda.
Kabilang sa mga hakbang na ipatutupad ang pagbabawal sa pagdadala at pag-inom ng alak sa loob ng sementaryo, pagtatalaga ng lugar para sa mga nagtitinda ng kandila at bulaklak, at pagsusuri sa mga papasok upang maiwasan ang pagdadala ng mga patalim o iba pang bladed weapons.
Ayon kay Inay, sisimulan ang deployment ng mga pulis sa sementaryo sa Oktubre 30, habang inaasahang mas paiigtingin ang presensiya ng kapulisan sa Nobyembre 1.
Magtatalaga rin ng mga pulis sa mga bus station, kabilang ang terminal ng Cisco sa kahabaan ng highway, at sa Dipalo River, na isa sa mga dinarayong pasyalan sa bayan.
Walang planong rerouting sa mga kalsada patungo sa sementaryo sa Barangay Alac, ngunit patuloy na makikipag-ugnayan ang kapulisan sa alkalde at iba pang kinauukulang ahensiya upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng security plan.
Pinayuhan naman ni Inay ang publiko na tiyaking nakakandado ang mga pintuan bago umalis ng bahay, huwag mag-iwan ng mahahalagang gamit sa loob ng sasakyan, bantayan ang mga bata at nakatatanda, at sumunod sa mga alituntunin sa trapiko.
Hinimok din niya ang mga bibisita sa sementaryo na manatiling mapagmatyag at agad na ireport sa pinakamalapit na pulis ang anumang kahina-hinalang kilos o insidente.










