Isinusulong ni Governor Ramon V. Guico III ang mas mabilis at accessible na serbisyong medikal para sa mga Pangasinense sa ginanap na Pangasinan Provincewide Health System Consultation Meeting kamakailan.
Dinaluhan ang pagpupulong ng 35 alkalde sa pangunguna ni LMP Pangasinan President Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” B. Rosario, kasama ang mga opisyal mula sa Provincial Health Office (PHO) at Provincial Hospital Management Services Office (PHMSO).
Layunin ng pagpupulong na palakasin ang koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan, Rural Health Units (RHUs), at mga pampublikong ospital upang mas mabilis na maipaabot ang de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Tinalakay rin ang Pangasinan Referral Network, isang sistemang mag-uugnay sa mga health center at ospital upang maging mas mabilis ang paglipat ng mga pasyenteng nangangailangan ng specialist consultation, lab tests, at hospital admission.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng provincial at local governments, layon ng inisyatiba na matiyak na ang bawat Pangasinense ay may direktang access sa maayos na pangangalagang medikal.









